Joey Marquez inabsuwelto ng Sandiganbayan
Ibinasura ng Sandiganbayan ang dalawang kasong kriminal na isinampa laban kay dating Paranaque Mayor Joey Marquez at dalawang iba pa kaugnay sa umano’y di pagbabayad sa mga pinagawang libro na nagkakahalaga ng P6.41 milyon noong 1998.
Sa 16-pahinang resolution ng Sandiganbayan third division na ipinalabas noong December 22, 2008, sinabi nito na nabigo ang tanggapan ng Ombudsman na maglabas ng matibay na ebidensiya laban kay Marquez na magpapatunay na hindi nito binayaran ang mga textbook supplier na Kejo Educational System, Merylyn Publishing House at Southern Christian Commercial na inireprisinta ni Lizabeth Carreon.
Kasama ni Marquez na naabsuwelto sina Paranaque City School Division Supt. Rolando L. Magno at Executive Assistant to the City Mayor Mario Jimenez.
Samantala, naghain din ng mosyon si Marquez sa Sandiganbayan 4th division para maibasura nman ang limang ulit na kaso ng katiwalian laban sa kanya kaugnay sa maanomalyang pagbili ng administrasyon nito ng mga walistingting na nagkakahalaga ng P2.9M.
Una ng pinatawan ng parusang 50-taong pagkabilanggo si Marquez ngunit ito ay nakalaya matapos na maghain ng piyansa.
- Latest
- Trending