Dahil kay 'Auring': Flashfloods, landslides banta sa Eastern Visayas
Nagbabala ngayon ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) sa mga residente at lokal na pamahalaan sa mga lalawigan ng Eastern Visayas partikular na sa Samar na maghanda sa posibleng pagguho ng lupa at flashfloods dahil sa pagpanig ngayon ng bagyong Auring sa naturang rehiyon.
Sa forecast ng Pagasa, huling namataan dakong alas-10 ng umaga kahapon ang bagyong Auring may 110 kilometro sa Silangan-Hilagang silangan ng Surigao City at inaasahan ngayong umaga sa 40 kilometro Timog ng Guiuan, Eastern Samar. Patuloy nitong minamantine ang lakas na 55 kilometro kada oras at kumikilos may 5km kada oras sa direksyon ng Hilagang Silangan.
Nasa signal number 1 ngayon ang mga lalawigan ng Northern Samar, Eastern Samar, Western Samar, Leyte, Southern Leyte, Biliran Island, Camotes Island, Surigao del Norte, Siargao Island at Dinagat Island.
May 10,000 residente naman ng iba’t ibang barangay sa lalawigan ng Cagayan de Oro ang apektado ngayon ng mga ‘flashfloods’ dahil sa walang humpay na pag-ulan dulot ng bagyong Auring, ayon sa National Disaster Coordinating Council (NDCC).
Isang 12-anyos na bata na si Rogeden Andig, ng Brgy. 24, Gingoog City ang nalunod habang pito katao pa ang patuloy na nawawala. Umaabot naman sa 1,495 pamilya ang lumikas sa kanilang mga tahanan sa Brgy. 19, 20 at Santiago sa naturang lungsod dahil sa malawakang pagbabaha.
May 15 barangay sa naturang lalawigan ang patuloy na lubog sa tubig-baha habang nanawagan naman ang lokal na pamahalaan ng tulong upang mabigyan ng pagkain, gamot at iba pang pangangailangan ang mga apektadong residente na nasa mga evacuation areas. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending