Kung si House Speaker Prospero Nograles Jr. ay isinusulong ang pag-audit ng Kongreso sa performance ng mga miyembro ng gabinete, iginiit naman kahapon ni Sen. Panfilo Lacson ang mahigpit na pagbabantay sa gastos ng gobyerno ngayong 2009.
Ayon kay Lacson, hindi na dapat maulit ang napakaraming anomalya katulad ng P728M fertilizer fund scam lalo pa’t eleksiyon na naman sa susunod na taon.
Ang nasabing pondo ay hinihinalang ginamit sa halalan noong tumakbong presidente si Pangulong Gloria Arroyo.
Dapat aniya’t mahigpit na bantayan at i-monitor ng Kongreso ang gastusin ng gobyerno sa gitna na rin nang nararanasang paghina ng ekonomiya ng buong mundo.
Ipinunto ni Lacson na ang Kongreso ay may “power of the purse” at ginagarantiyahan naman ito ng Konstitusyon.
Duda si Lacson na magagawang ma-audit ng Kongreso ang performance ng mga miyembro ng Gabinete at nasa kamay naman ng Pangulo kung sisibakin niya ang mga miyembro na palpak sa trabaho at matatawag na non-performer.
Sinabi ni Lacson na mas makakabuting ipatupad na lamang ang isinusulong ng Senado sa ilalim ng proposed 2009 national budget na magkaroon ng ‘monthly monitoring’ sa paggastos ng gobyerno. (Malou Escudero)