Disyamado ang Philippine Army dahil natapos na ang ‘holiday season‘ ay bigo pa rin ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na palayain ang bihag nilang Tinyente.
Ayon kay Army spokesman Lt. Col Romeo Brawner Jr., sa kabila ng apat na araw na unilateral ceasefire na ipinatupad ng militar ay patuloy pa ring binibihag ng CPP-NPA si 1st Lt. Vicente Cammayo.
“They asked us to stop military offensives in the area so they could release Cammayo, but after the SOMO expired, we could not guarantee that there wouldn’t be any combat operation,” ani Brawner.
Si Cammayo, miyembro ng Army’s 3rd Special Forces Battalion (SFB) ay binihag ng komunistang grupo noong Nob. 7, 2008 matapos itong sugatang makorner sa engkuwentro sa Brgy. Casoon, Monkayo, Compostela Valley.
Nauna nang nangako si Jorge Madlos, spokesman ng NPA Southern Mindanao Command, na palalayain nila ang bihag na sundalo sa Bagong Taon.
Umasa naman ang Phil. Army at paniwala ni Brawner ay pawawalan si Cammayo sa pagitan ng Disyembre 31 at Enero 1 pero hindi ito nangyari.
Nauna nang pinawalan ng NPA ang bihag nilang si PO3 Eduardo Tumol ng 1105th Provincial Police Mobile Group (PPMG) noong bisperas ng Pasko sa isang lugar sa Davao Oriental.
Sa kabila nito, patuloy namang umaasa ang pamilya ni Cammayo na palalayain ito ng NPA rebels sa susunod na mga araw. (Joy Cantos)