Hiniling ng grupong Eco Waste Coalition na dapat na tiyakin ng publiko na malinis ang gaganaping kapistahan ng Black Nazarene sa Enero 9 sa Quiapo, Maynila.
Ayon kay EWC president Manny Calonzo, dapat magpakita ng magandang halimbawa ang mga deboto ng Poong Nazareno at tiyaking hindi magging makalat ang kapistahan.
Sa kanyang pahayag na naka-poste sa website ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sinabi ni Calonzo na noong nakaraang taon ay napakaraming plastic bags ng basura ang nakuha sa Plaza Miranda kasama ang mga straw, plastic bottles, styrofoam, food wrappers at mga upos ng sigarilyo.
Bagaman, kahanga-hanga aniya ang hindi matatawarang debosyon ng mga Katoliko sa Black Nazarene, hindi umano nila mapapalagpas ang tila pagbalewala sa kalikasan.
Nanawagan din ang grupo na huwag nang maglagay ng mga banderitas na gawa sa plastic at mga happy fiesta banners sa mga lansangan na makadaragdag lamang sa tambak ng basura.
Dagdag pa ni Calonzo, na dahil sa nalalapit na ang 2010 elections tiyak na maraming pulitiko ang sasamantalahin ang kapistahan para maglagay ng kanilang malalaking banner at magpa-abot ng pagbati.
Noong nakaraang taon, matapos ang kapistahan, kinuhanan ng larawan ng nasabing grupo ang mga kalat sa lansangan sa Quiapo, at ipinadala ang kopya ng mga larawan sa tanggapan nina Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales at Auxiliary Bishop Broderick Pabillo.
Ito ay para hingin aniya ang aksyon ng simbahan sa anila ay nakaka-alarmang pagkarungis ng kapaligiran.
Para mabawasan ang kalat sa lansangan tuwing kapistahan ng Poong Nazareno, ipinanukala ng grupo ang apat na basic steps na ginawa noon ng yumaong si Jaime Cardinal Sin nang hikayatin nito ang mga mananampalayata na gawing zero-waste ang 2003 World Meeting of Families sa Luneta.
Kabilang dito ang pagbabawas sa basura sa pamamagitan ng paggamit ng mas kakaunting resources sa gaganaping pagdiriwang; iwasang gumamit ng plastic at disposable items; ihiwalay ang biodegradable at non-biodegradable na basura at ilagay ang mga basura sa mga tamang lagayan para mas madaling isagawa ang recycling at hindi mahirapan ang mga maglilinis at kukulekta nito. (Doris Franche)