Posible umanong magbaba ng pasahe ang mga taxi ngayong taon dahil sa patuloy na pagbaba rin ng halaga ng ‘liquified petroleum gas (LPG).
Inihayag ito ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Thompson Lantion kasabay ng pagtitiyak na walang pagtataas sa presyo ng pasahe sa mga taxi sa implementasyon ng pagbibigay ng resibo ng mga taxi driver sa mga pasahero.
Iginiit nito na ang umiiral na flagdown rate na P30 pa rin ang dapat singilin ng mga drivers ng taxi sa kabila ng pag-iisyu ng resibo.
Malaking bagay umano ngayon ang patuloy na pagbulusok ng halaga ng krudo sa internas yunal na merkado kung saan apektado rin ang LPG na ginagamit na ngayon ng maraming mga taxi lalo na ang mga malalaking operators.
Gagawin namang unti-unti ng LTFRB ang implementasyon ng bagong polisiya sa pagbibigay ng resibo sa mga pasahero na hihingi nito. Dalawang opsyon ang nakikita ng ahensya kung saan maaaring gumamit ang mga operators ng sariling ‘equipment’ o manual na magbigay ng resibo ang taxi driver.
Kasama sa impormasyon sa resibo ang pangalan ng taxi, halaga ng pasahe, petsa, contact number, at ‘tax identification number (TIN)’.
Sinabi ni Lantion na huwag namang asahan ng mga pasahero na lahat ay makakatupad agad sa bagong polisiya kung saan kinakailangang makatupad ang mga ito bago magsagawa ng “technical inspection” ang LTFRB sa unang mga buwan ng 2009 bilag palugit. (Danilo Garcia)