Dalawa katao ang nasawi habang 346 naman ang nasugatan kabilang ang siyam na tinamaan ng ligaw na bala at dalawang nakakain ng watusi sa pagsalubong sa Ba gong Taon sa iba’t ibang panig ng Metro Manila.
Sa kabuuan, ayon sa pinagsamang tala ng Department of Health (DOH) at National Capital Region Police Office (NCRPO), bumaba nang 35 porsyento ang bilang ng biktima ng paputok sa buong Metro Manila kumpara sa naitalang 822 noong nakaraang taon.
Kabilang sa nasawi ay si Renato Quetolonia, 19 anyos, na idineklarang dead on arrival sa Tondo General Hospital matapos na masabugan sa mukha ng pla-pla noong hatinggabi ng Miyerkules.
Ayon kay NCRPO Chief Director Leopoldo Bataoil, 16 katao ang biktima ng ligaw na bala.
Nakilala ang ilan sa tinamaan ng ligaw na bala na sina Aaron James Lapus,; Jimboy Gumapac, 14; Romeo Arnaiz; Eduardo Bustamante na minalas habang namamasyal sa Luneta; at Rafael Lim, 16.
Isang ginang na siyam na buwang buntis ang nasugatan makaraang tamaan ng ligaw na bala sa pagsalubong kahapon ng Bagong Taon.
Kasalukuyang ginagamot sa Rizal Medical Center ang biktimang si Sally Patricia, 35-anyos, at residente ng Lower Bicutan, Taguig City, bunga ng tama ng bala sa kaliwang braso nito.
Samantala, sa Isla Sulok, Valenzuela City, isang 40-anyos na si Alberto Perez ang namatay makaraang tamaan ng ligaw na bala habang nasa terrace siya ng bahay ng kanyang biyenan at nanonood ng fireworks display sa pagsalubong sa Bagong Taon kamakalawa.
Sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III sa press conference sa East Avenue Medical Center na ang mababang bilang ng mga biktima ng paputok ay bunsod na rin ng pag-ulan noong Miyerkules hanggang kahapon ng umaga.
Malaki din umano ang naitulong ng “scare tactics campaign” ng DOH upang mas lalo pang bumaba ang bilang ng mga biktima ng paputok. Mananatili namang nasa code white alert ang DOH hanggang sa Enero 5.
Nanawagan din si Duque sa mga local government unit na linisin ang mga bakas ng New Year revelry upang hindi na mapulot pa ng mga bata.