Mariing kinondena ng isang munisipalidad ang naglabasang ulat hinggil sa umaapaw ng basura sa sanitary landfill sa Brgy. San Antonio, San Pedro, Laguna.
Ayon kay San Pedro Laguna Mayor Calixto Cataguiz, napaka imposible aniya ng paratang na ito laban sa kanila dahil napatunayan na minsan na silang pinarangalan ng tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa pagsunod sa tamang regulasyong ipinaiiral ng munisipalidad ukol sa basura.
Nilinaw ng alkalde na ang mga basurang itinatapon sa kanilang landfill ay nangagagaling lamang sa mga ilang lungsod at munisipalidad sa Laguna na kinabibilangan ng Muntinlupa City, San Pedro, Biñan, Calamba, Sta Rosa, Cabuyao at mga karatig bayan sa lalawigan ng Laguna.
Napag-alaman na mayroong isang grupo ang nagnanais na makapagtayo ng sariling landfill sa lugar na nakalaan para sa isang negosyante ngunit itoy nasasakupan ng Dasmariñas, Cavite.
Ayon pa sa Alkalde, isang nagpakilalang ex-Colonel ng PNP at Gen. manager umano ng ARC Land Waste management ang natatandaan niyang nag-apply sa kanila na makapagtayo ng landfill pero itoy ibinasura ng Konseho ng San Pedro sa kawalan ng public consultation bukod pa ang mga ipinakikitang huwad na mga dokumento.
Napag-alaman na may umiiral na batas na isa lamang landfill ang pinapayagan ng batas sa bawat lalawigan.
Dahil dito, hinamon ni Mayor Cataquiz ang sino mang nag-aakusa na personal na bisitahin ang kanilang landfill upang patunayan na walang katotohanang ang mga naglalabasang alegasyon laban sa kanila.