Nakabalik na sa serbisyo matapos ang mahigit sa 10-taon ang isang miyembro ng Central Police District (CPD) na sinibak sa kanyang serbisyo dahil sa hindi pagpasok ng 67-araw.
Sa ipinalabas na desisyon ng Supreme Court (SC) en banc, kinatigan nito ang apela ni PO2 Ruel Montoya, ng CPD Baler station na humihiling na tuluyan ng mapawalang-bisa ang ginawang pagsibak sa kanya ng Civil Service Commission (CSC).
Sa desisyon ni Associate Justice Minita Chico-Nazario, inatasan nito ang Philippine National Police (PNP) na ibalik si Montoya sa kanyang trabaho nang hindi tinatanggalan ng seniority rights.
Bukod dito inatasan din ang PNP na ibigay kay Montoya ang lahat ng kanyang backwages mula nang siya ay sibakin hanggang sa kanyang reinstatement.
Base sa record ng korte, Agosto 15, 1998 tinanggal bilang miyembro ng CPD si Montoya matapos na hindi makadalo sa Law Enforcement and Enhancement Course o LEEC sa NCRPO Camp Bagong Diwa, Taguig City dahil sa mayroon umano itong matinding karamdaman.
Naghain ng sick leave si Montoya sa kanyang commander noong Enero 22, 1998 ngunit hindi naaprubahan dahil na rin sa kabilang na ang kanyang pangalan sa mga inilistang magpapartisipa sa LEEC.
Sa pagpawalang-bisa naman sa kautusan ng CSC, binigyang-linaw ng SC na hindi nabigyan ng due process si Montoya upang maidepensa ang kanyang panig laban sa marahas na parusang iginawad sa kanya. (Gemma Amargo-Garcia)