Reputasyon ng Pinas sa anti-drug campaign bumagsak na - PDEA
Inamin kahapon ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Dionisio Santiago Jr. na bumagsak na ngayon ang reputasyon ng Pilipinas pagdating sa ‘anti-drug campaign’ dahil sa nagaganap na lagayan ng mga malalaking sindikato sa mga korte at sa isang bahagi ng criminal justice system.
Ginawa nito ang pag-amin makaraang ibulgar na hindi ang tatlong miyembro ng “Alabang Boys” ang unang napalaya ng prosecutor ng Department of Justice.
Sinabi nito na unang napawalang-sala ng DOJ ang drug suspect na si Cai Qing Hai na kasama sa ‘international drug list’ matapos na payagan ng piskalya na makapagpiyansa sa kabila ng malalaking kasong kinakaharap nito.
Sinabi ni Santiago na labis silang naharap sa kahihiyan sa nakaraang International Drug Conference on Illegal Drugs nang tanungin sila ng kanilang mga ‘counterparts’ kung ano ang nangyari at napawalang-sala si Cai.
“Nakakahiya na tinatanong kami sa conference, ‘what happened?’ Ngayon, can we effectively address the drug problems kung ang pillars ng justice system, there are five, pag natanggal ang isa eh wala na,” ani Santiago.
Tinukoy naman nito na magulang ng isa sa Alabang Boys na sina Richard Santos Brodett, Jorge Jordana Joseph at Joseph Ramirez Tecson ang nagpadala ng “text message” sa PDEA na nagsasabi na bakit nagrereklamo siya dahil sa nagkabayaran na ng P50 milyon para sa pagpapalaya sa tatlong suspek.
Tahasang itinanggi ni Santiago na kasama siya sa mga nasuhulan at itinuro ang DOJ na posibleng may mga natanggap sa naturang malaking halaga kaya nalaglag ang kaso laban sa tatlong “Alabang Boys” nitong Disyembre 2 at natanggap lamang ng PDEA nitong Disyembre 19.
“We have to look at the paper trail, starting from the fiscal, then we work our way up. I’m not at liberty to tell you right now, but at the proper time, we will tell you what we know,” ani Santiago.
Ipinangako naman ni Santiago na patuloy na lalabanan ang mga sindikato ng iligal na droga hanggang sa magtapos ang kanyang karera sa pamahalaan habang nanawagan sa ibang ahensya ng pamahalaan na magkaroon ng konsensya at huwag pera na lamang ang tinitignan. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending