Japanese national nambugbog ng asawa, tiklo sa Bureau of Immigration
Dinampot ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Japanese national na umano’y nambugbog sa 21-anyos na Pilipinang asawa ilang araw bago mag-Pasko.
Ayon kay Immigration Commissioner Marcelino Libanan, inaresto si Shoichi Katoh, 62, sa labas ng St. Luke’s Medical Center sa Quezon City noong Biyernes (Dec. 26) kung saan naka-confine ang asawang si Maridel.
Sinabi ni Libanan na kakasuhan si Katoh ng paglabag sa Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Iniutos ni Libanan ang agarang pag-aresto kay Katoh matapos ilapit sa kanya ng ama ng biktima ang sinapit ng anak sa Japanese national.
Ayon kay Libanan, ginulpi ng Japanese national si Maridel habang nakatutok ang baril noong Dec. 21 matapos pigilan ng biktima ang asawa na saktan ang kanilang apat na buwang anak.
Muntik nang maparalisa si Maridel sa sinapit na pambubugbog kay Katoh at kinailangang dalhin agad sa ospital para sa atensiyong medikal.
Sinabi ng biktima na tinawagan niya ang ama sa Borongan, Samar sa takot na baka patayin siya ni Katoh.
Agad namang lumapit ang ama ng biktima kay Libanan, isang kapwa Samareno at dating congressman ng Eastern Samar, upang humingi ng tulong.
Dahil sa tinamong pinsala, napilitang mag-Pasko sa hospital si Maridel at kanyang ama, ayon kay Libanan. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending