Nangako ang New People’s Army na palalayain na sa susunod na linggo ang commander ng Philippine Army na kanilang binihag sa gitna ng sagupaan sa Compostela Valley, noong buwan ng Nobyembre.
Ayon kay NPA spokesman Rigoberto Sanchez, nagdesisyon silang palayain si 1st Lt. Vicente Cammayo bilang “act of goodwill”.
Si Cammayo ay binihag noong Nobyembre 7 makaraang masugatan sa bakbakan sa Barangay Casoon sa bayan ng Monkayo sa Compostela Valley .
Una nang pinalaya ng NPA ang binihag nilang si PO3 Eduardo Tumol bilang bahagi ng pagdiriwang ng CPP ang ika-40 anibersaryo.
Nagbabala naman si Sanchez na posible pa rin nilang hindi ituloy ang pagpapalaya kung magpapatuloy ang military offensive laban sa ka nila.
Ito’y matapos na ihayag ng Philippine National Police (PNP) ang ‘suspension of police operations’ laban sa NPA mula Disyembre 31-Enero 1 bilang selebrasyon sa pagpasok ng Bagong Taon.
Sa kabila nito, sinabi ni PNP chief, Director Gen. Jesus Verzosa na handa pa rin silang i-pull out ang mga pulis sa kaniya-kaniyang unit sa oras na kailanganin sa panahon ng emergency at kung magsasagawa ng pagsalakay ang mga kalaban ng pamahalaan. (Danilo Garcia)