Dengue, typhoid at cholera isinisi sa global warming
Ang global warming ang dahilan ng pagtaas ng bilang ng kaso ng pagkakaroon ng sakit na dengue, typhoid fever at cholera ngayong taon.
Ito naman ang idiniin kahapon ni Health Secretary Francisco Duque sa panayam ng DZBB kung saan sinabi nito na lumitaw ito sa kanilang datos.
“Ang mga banta ng global warming ay nagiging totoo at nasasalamin ito sa mga epidemya na di natin inaasahan mangyari pero nangyari na,” ani Duque.
Dahil dito, sinabi ni Duque na mas dapat na magtulungan ang pamahalaan at mamamayan upang labanan ang pagkalat ng sakit sa pamamagitan ng pagsasaayos ng mga kapaligiran at ang malinis na suplay ng tu big.
Kasabay nito, tiniyak naman ni Duque na ginagawa ng DOH ang lahat upang mabigyan ng maayos na medical services ang publiko kung saan kabilang na dito ang pagpapatupad ng Cheaper Medicines Act sa taong 2009 at ang pagsasaayos ng mga kagamitan sa lahat ng government hospitals.
Matatandaang una nang nagbabala ang World Health Organization na posibleng palalain umano ng global warming ang mga nasabing sakit. (Doris M. Franche)
- Latest
- Trending