Pulis pinakawalan na ng NPA
Umaasa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na susunod ng palayain ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang bihag ng mga itong Tinyente sa lalawigan ng Compostela Valley kasunod ng pagpapalaya ng Merardo Arce Command kay PO3 Eduardo Tumol kamakalawa ng hapon.
Ayon kay AFP- Public Information Office (AFP-PIO) Chief Lt. Col. Ernesto Torres Jr., hinihintay na ng kanyang pamilya na makapiling si 1st Lt. Vicente Cammayo.
Nabatid kay Torres na pinakawalan bandang alas–4 ng hapon kamakalawa si Tumol, kasapi ng 1105th Provincial Police Mobile Group (PPMG), sa isang lugar sa kabundukan ng Davao Oriental.
Itinurnover si Tumol kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte bago ipinasa kay Chief Supt. Andres Caro, pinuno ng Integrated Police Operations-Eastern Mindanao sa Camp Catitipan, Davao City.
Si Tumol ay pinakawalan matapos ang halos 50 araw na pagkakabihag bilang ‘goodwill measure’ kaugnay ng ika-40 taong anibersaryo ng Communist Party of the Philippines ngayong araw.
Sa kasalukuyan ay bihag pa rin ng komunistang grupo si Cammayo na dinukot ng mga ito matapos na sugatang makorner sa sagupaan sa Brgy. Casoon, Monkayo, Compostela Valley noong Nobyembre 7.
Magugunita na si Tumol ay binihag ng NPA rebels noong Nobyembre 5 sa isang checkpoint sa Brgy. Baogo, Cateel, Davao Oriental. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending