Cardinal Rosales natuwa sa dami ng nag-Simbang Gabi
Bagama’t kabi-kabila ang hirap at karahasan na dinaranas ng mga Filipino, nakatutuwang isipin na marami pa rin ang nagbibigay pugay at tumutupad sa tradisyon ng Simbang Gabi ng mga deboto sa ilang simbahan sa Metro Manila.
Ayon kay Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales, patunay lamang ito na sa ganitong panahon ng krisis, ang Panginoon pa rin ang nagsisilbing takbuhan at sinusulingan ng mga Pinoy.
Dahil sa dami nga umano ng mga taong dumadalo sa Simbang Gabi, kinakailangan pa ng ilang simbahan na magdaos ng dalawa o tatlong misa kabilang ang anticipated dawn masses, sa kahilingan na rin ng mga parishioner.
Sa bayan nga ng Balayan sa Batangas ay kinailangan ng parish priest na mag-request ng 15 seminary professors na magmimisa sa may tatlong barangay para sa Simbang Gabi.
Ayon sa Cardinal, ang malalim na pananampalataya ng mga Pinoy sa “divine intervention” o “providence” ng Panginoon sa panahon ng krisis ang isa sa dahilan kung bakit maraming tao ang dumadagsa sa mga simbahan ngayon. (Doris Franche)
- Latest
- Trending