Binistay ng bala ng mga armadong tauhan ng pasaway na si Moro Islamic Liberation Front (MILF) renegade Commander Ameril Umbra Kato ang pitong sibilyan sa magkahiwalay na karahasan sa bisperas ng Pasko sa bayan ng Sen Ninoy Aquino, Sultan Kudarat, ayon sa opisyal kahapon.
Sinabi ni Army’s 6th Infantry Division (ID) Spokesman Col. Julieto Ando, pawang nasawi sa insidente ang pitong sibilyan na inaalam pa ang mga pangalan.
Si Kato ay may patong sa ulong P10M kaugnay ng madugong pag-atake sa 15 barangay sa pitong bayan ng North Cotabato nitong Agosto.
Ayon kay Ando, unang umatake ang mga re belde dakong 9:30 ng umaga sa Brgy. Midtungok sa bayan ng Sen Ninoy Aquino kung saan niratrat ang ilang kabahayan dito gamit ang rocket propelled grenade.
Agad nasawi sa insidente ang tatlong sibilyan matapos na magtamo ng malulubhang sugat sa katawan.
Bandang 4:30 naman ng hapon ng sumunod na umatake ang grupo ni Kato at muling nagpaulan ng bala sa lugar na kumitil ng buhay ng apat pang sibilyan.
Isa ang naitalang sugatan sa insidente na mabilis na isinugod sa pagamutan para malapatan ng lunas.
Kaugnay nito, sinabi ng opisyal na idineploy sa lugar ang tropa ng Army’s 75th Infantry Battalion (IB) upang mangalaga sa seguridad ng mga sibilyan sa naturang komunidad.