4 naglalaban sa pagka-PAF Chief
Apat na contenders ang mahigpit na naglalaban sa puwesto kaugnay ng napipintong pagreretiro ni outgoing Philippine Air Force (PAF) Chief Lt. Gen. Pedrito Cadungog.
Ayon sa military sources, kabilang sa mga pinagpipilian ang dalawang mistah ni AFP Chief of Staff Lt. Gen. Alexander Yano sa Philippine Military Academy (PMA) Class ‘ 76 na sina Major Gen. Hernanie Perez, Chief ng 3rd Air Division na nakabase sa Zam boanga City at Major Gen. Nathaniel Legaspi, hepe ng 2nd Air Division na nakabase sa Mactan, Cebu.
Ang dalawa pang contender ay sina Major Gen. Rolando Capacia, nagtapos sa Flying School, hepe ng Air Education and Training Command at Major Gen. Oscar Rabena ng PMA Class 78, hepe naman ng J5 (AFP Modernization).
Si Cadungog ay magreretiro sa darating na Enero 9 na napaaga dahil ang ika–56 nitong kaarawan ay natapat sa araw ng Linggo (Enero 11).
Ang mga combat plane ng 3rd Air Division na nasa huris diksyon ni Perez ay pangunahing isinasabak laban sa Abu Sayyaf at MILF sa Western Mindanao.
Samantala si PAF Vice Commander Major Gen. Rene Badilla ay hindi na kabilang sa mga contenders dahil wala ng isang taon ang itatagal nito sa serbisyo.
Kaugnay nito, sinabi ni Cadungog na wala siyang bet sa mga contenders dahil pawang kuwalipikado ang nasabing mga opisyal para humalili sa kaniya sa puwesto. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending