'Missing link' sa fertilizer scam sumuko na

Nagpakita na kaha­pon sa Senado ang kon­tro­bersyal na si Jaime “ Jimmy “ Paule na si­na­sabing ‘missing link’ sa kontroberisyal na P728M fertilizer fund scam.

Kasama ang kanyang abogadong si Atty. Ferdi­nand Topacio, dumating si Paule dakong alas 11:45 ng umaga na hu­marap pa sa isang press conference ilang minuto matapos siyang mag­pakita sa tang­gapan ni Sen. Richard Gordon, chairman ng Blue Ribbon Committee.

Itinanggi ni Paule na nag­trabaho siya bilang liaison officer ng Malaca­ñang pero inamin nitong kakilala niya si Leonicia Llarena, dahil nagtrabaho umano ang kanyang anak bilang writer nito.

Si Llanera ang sinasa­bing financier ng farm inputs at farm implements sa fertilizer fund project.

Katulad ng mga na­unang testigo sa fertilizer fund scam na sina dating Agriculture under­secre­tary Jocelyn “Jocjoc” Bolante at sinasabing runner nito na si Maritess Aytona, nag­kasakit din umano si Paule kaya kahit isang beses ay hindi siya nakadalo sa hearing ng Blue Ribbon Committee.

Ilang beses umanong nagpapabalik-balik sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City si Paule dahil sa barado ang kan­yang carotid artery. Iti­nanggi din ni Paule na ka­kilala niya si Bolante, ang itinuturong arkitekto ng fertilizer fund scam.

Nangako si Paule at abogado nito na dadalo sa susunod na imbes­tigasyon sa Enero 20 sa susunod na taon.

Pumirma rin sa isang kasunduan si Paule at ang abugado nito na su­ma­sang-ayon na hindi ito lalabas ng bansa hangat hindi pa natatapos ang pagdinig ng komite sa fertilizer fund.

Sa kabila nang pag-amin ni Paule na kakilala nito si Llanera, itinanggi nito na siya ang sina­sabing Jimmy Paule, dahil ang tunay umano niyang pa­ngalan ay Jaime Lionzon Paule at tubong Lubao, Pam­panga ang kanyang ama.

Maraming aniyang Jimmy Paule na kapa­nga­lan nito ang nakare­histro sa NBI, pero inamin niya na mayroon siyang record noon sa nasabing ahensya ng kasong Es­tafa subalit nadismis na aniya ang nasabing kaso.

Ayon sa abogado ni Paule, sa hearing na la­mang ng komite sa Enero 20 nila idedetalye ang pagkaka-ugnay ng kan­yang kliyente sa kontro­bersya ng fertilizer.

Matatandaan na nag­palabas ng arrest order ang Blue Ribbon Committee laban kay Paule ma­tapos na makailang be­ses nitong isnabin ang pag­dinig sa Senado. (Malou Escudero)

Show comments