Target umano ng bombang natagpuan sa General Santos City sa South Cotabato ang birthday ng pambansang kamao na si Manny “Pacman“ Pacquiao.
Ito ang isa sa lumilitaw kaugnay ng patuloy na isinasagawang imbestigasyon ng Joint Task Force Gensan sa pagkakatagpo sa eksplosibo.
Ang narekober na Improvised Explosive Device (IED) noong Disyembre 18 ay pinaniniwalaang nabigong maitanim sa bonggang selebrasyon ng kaarawan ni Pacman sa KCC Convention Center na dinaluhan ng mga pangunahing personalidad sa gobyerno kabilang si Pangulong Arroyo noong Disyembre 17.
Naniniwala si Capt. Amerigo Cope, tagapagsalita ng Joint Task Force-Gensan, na doon na mismo ini-assemble sa Room-16 ng Zabala Sanitary Lodge ang IED na natagpuan noong Disyembre 18 ng hapon.
Wala pang matukoy na suspect ang Task Force Gensan sa natagpuang bomba kung saan tatlo katao umano ang nagcheck-in sa nasabing lodge at ang pangalang Mike Sangki lamang ang ipinalis ta ng mga ito sa kahera ng nasabing lodging inn.
Magugunitang inilagay sa isang baunan ang bomba at kinabitan ng wire at isinaksak sa kuryente pero nabigo ang mga suspect sa kanilang balakin dahil sa maigting na pagpapatupad ng seguridad ng mga awtoridad sa lungsod.
Isasabay sana umano ang pag-atake sa araw mismo ng bonggang birthday celebration ni Pacquiao.