Muling iginiit kahapon ng Department of Labor and Employment ang pay rules para sa mga regular holidays ngayong Disyembre 25,30 at Enero 1, 2009 gayundin sa mga special non-working days tulad ng Disyembe 26, 29 at Disyembre 31, 2008.
Ayon kay Labor and Employment Secretary Marianito Roque na, base sa Proclamation no. 1463 na inisyu ng Pa ngulong Gloria Arroyo, idineklara nito ang Disyembre 26, Biyernes, at Lunes Disyembre 29, 2008 bilang karagdagang special non-working days sa buong bansa upang magkaroon ng mas mahabang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon ang mamamayang Pilipino.
Iginiit pa ni Roque na, sa nabanggit na proclamation, nanatiling regular holidays ang Disyembre 25, Araw ng Pasko at ang Disyembre 30, 2008, Rizal Day, gayundin ang Bagong Taon sa Enero 1.
Base sa Labor code, ang mga regular na empleyedo na papasok sa araw ng regular holiday ay bibigyan ng 200% ng kanyang basic salary para sa kanyang unang walong oras at paglumampas dito ay karagdagang 30%.
Kapag naman hindi pumasok sa araw ng regular holiday ang empleyado ay bibigyan pa rin ito ng 100% ng kanyang daily rate maliban na lamang kung naka leave with pay ito.
Kung natapat naman sa day-off ay bibigyan pa rin ang isang empleyado ng 100% ng kanyang daily rate maliban na lamang kung on-leave ito.
Kung pumatak ito sa araw ng kanyang day-off ay bibigyan siya ng 200% para sa unang walong oras at karagdagang 30% kapag lumampas pa siya sa walong oras na pagta-trabaho.
Para naman sa mga special non-working days na Disyembre 26,29 at Disyembre 31,2008 mayroong karagdagang 130% ang isang empleyado para sa kanyang unang walong oras at karagdagang 30% kapag lumampas ng walong oras na pagtra-trabaho.
Sa sandali namang hindi pumasok ang isang empleyado sa nasabing mga petsa ay walang karagdagang sahod na matatanggap ang mga ito maliban na lamang kung mayroong nakasaad sa collective bargaining agreement (CBA) ng isang kumpanya na pumapabor sa kanilang mga empleyado. (Gemma Garcia at Doris Franche)