Pasyenteng nasalinan ng dugo ng ipinasarang blood banks inutusang magpa-medical test

Inutos na ng Department of Health (DOH) na sumailalim sa medical tests ang mga pasyenteng tu­manggap ng dugo mula sa mga napasarang “blood banks.”

Ang kautusan ay ma­tapos mapatunayang wa­lang mga kaukulang permit ang mga naipasa­rang blood bank at upang mati­yak na malinis ang mga dugong naisalin sa mga ito.

Nilinaw ng DOH na libre ang medical test sa mga government hospitals para sa mga nasabing pas­yente na nais na magpa­suri.

Kabilang na dito ang Jose Reyes Medical Center, East Avenue Medical Center, Quirino Memorial Medical Center, Rizal Medi­cal Center, Tondo Medical Center, Amang Rodriguez Medical Center, Las Piñas General Hospital at sa Satellite Trauma Center.

Magugunitang noong Huwebes ay sinalakay ng mga awtoridad ang Blue Cross Blood Bank, People’s Blood Bank, Our Lady of Fatima Blood Bank, Holy Redeemer Blood Bank, Doctor’s Blood Bank, Ave­nue Blood Bank, Re-Cor Blood Bank, at Philippine Blood Bank, na pawang nasa Maynila.

Kabilang umano sa mga paglabag ng mga nasa­bing blood banks ay ang kawalan ng business permits, sanitary permits, at pagtanggap ng mga hindi kwalipikadong donor gaya ng mga may tattoo at nakainom.

Pinayuhan ng DOH ang mga pasyenteng na­ngangailangan ng dugo na kumuha lamang sa Philippine Blood Center at Philippine National Red Cross. (Doris Franche)

Show comments