Inalis na ang Bureau of Immigration (BI) sa listahan ng Top 10 government agencies na pinuputakti ng problema sa red tape at pagkaantala sa pagproseso ng dokumento.
Batay sa update ng Top 10 agencies na may problema sa red tape na isinumite ng National Competitiveness Council (NCC), wala na ang BI sa nasabing listahan.
Bago rito, ang BI ay ikatlo sa listahan dahil sa haba ng panahon bago maproseso ang working visas ng expatriates.
Binuo noong October 2006, ang NCC ay isang public-private task force na layong pagandahin ang business competitiveness ng bansa mula sa ikatlo sa pinakamababa patungong Top 3 pagdating ng 2010.
Ito ay pinamumunuan nina Trade and Industry Secretary Peter Favila para sa public sector at Ambassador Cezar Bautista para sa private sector.
Sa bagong NCC update, naalis ang BI sa listahan dahil natugunan na ang pagpo-proseso ng working visas sa tulong ng Visa Issuance Made Simple (VIMS) program ng ahensiya.
Nagtagumpay ang VIMS na tabasin ang processing time sa visa applications ng 80 percent at documentary requirements ng 40 percent. (Butch Quejada)