Isang Pinoy na kapitan umano ng barko ang sinasabing binaril at namatay habang dalawang Russian naman ang kinidnap sa isang pag-atake ng ilang armadong lalaki sa bansang Nigeria.
Sa ulat na nakarating kahapon sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA), ang Pinoy na hindi pa pinangalanan ay sinasabing kapitan ng isang oil services supply vessel.
Nasawi umano ito matapos na barilin ng mga armadong lalaki na sumalakay sa southern state ng Akwa Ibom noong Sabado ng madaling-araw.
Matapos ang pamamaril ay kinidnap din umano ng mga armadong suspek ang dalawang Russian bago tuluyang tumakas sakay ng isang speedboat.
Pinaniniwalaang gagawing hostage ang dalawang kinidnap na Russian at palalayain lamang kapalit ng ransom money.
Sinabi naman ng DFA na kinukumpirma pa nila ang naturang ulat hinggil sa pagkamatay ng Pinoy ship captain sa Nigeria.
Ayon kay DFA Spokesman Claro Cristobal, inatasan na nila ang mga opisyal ng embahada sa Abuja, na siyang capital ng Nigeria, upang beripikahin ang naturang ulat.
“Our embassy in Abuja has been instructed to verify that report,” ayon pa kay Cristobal sa isang text message.