Hinikayat kamakailan ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ang lahat ng Individually Paying Members o IPMs nito na magbayad ng kanilang kontribusyon para sa fourth quarter bago sumapit ang ika-23 ng Disyembre ng taong kasalukuyan upang maiwasan ang abala at mahabang linya sa mga payment center sa buong kapuluan.
Sa panayam ng “Dear PhilHealth” sa DZRH kay Walter Bacareza, PhilHealth Manager for Marketing and Collections, nanawagan si Bacareza sa lahat ng IPMs na hangga’t maaga ay makapaghulog na ng kontribusyon ang nasabing mga miyembro upang maiwasan ang holiday rush. Aniya, maaaring magbayad sa alinmang PhilHealth Regional at Service Offices at 44 accredited collecting agents at sa mga sangay nito sa buong bansa.
Binigyang diin din ni Bacareza ang kahalagahan ng pagbabayad nang regular, kumpleto at on-time upang matiyak ang pagkakamit ng kanilang PhilHealth benefits sa mga ospital na accredited ng PhilHealth. Idinagdag pa niya na may medical procedures na nangangailangan ng sufficient regularity of premium contributions kung saan dapat ay nakapagbayad ang isang IPM ng hindi bababa sa siyam na buwan sa loob ng nakaraang 12 buwan bago makapagkamit ng iba’t ibang outpatient at inpatient benefits sa mga accredited hospital. Ang premium ay umaabot lamang sa P300 at maaaring bayaran nang quarterly, semi-annually o annually.
Ipinaalala rin ni Bacareza sa mga pribado at pampublikong employer na mag-remit ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado para sa buwan ng Disyembre 2008 kasama ang employer counterpart bago mag-Enero 9, 2009; gayundin ng electronic o hard copy format ng kanilang remittance report para sa nasabing buwan bago mag-Enero 15, 2009.
Ang employed members ay umaabot na sa 7.83 milyon o 49.6 porsiyento ng kabuuang 15.78 milyong miyembro ng PhilHealth, samantalang umaabot naman sa 2.84 milyon o walong porsiyento nito ay IPMs.