Nais saklolohan ng Senado ang mga depositors ng maliliit na bangko na nagsara kamakailan sa pamamagitan ng isang imbestigasyon at pagpapatawag sa mga opisyal ng mga rural bank.
Sa resolusyong inihain ni Sen. Miriam Defensor-Santiago, sinabi nito na dapat aksiyunan ng gobyerno ang nasabing bank run kung saan naiipit ang pera ng mga depositors.
Sinabi ni Santiago sa kanyang Senate Resolution 812 na dapat malaman kung bakit nagdeklara ng bank holiday ang apat (4) na local banks.
Sa pagbabalik ng sesyon ng Senado sa Enero, nakatakdang ipatawag ni Santiago ang mga may-ari at managers ng mga local banks nagdeklara ng bank holiday.
Partikular na nais ni Santiago na maisalang sa hot seat ang mga managers at may-ari ng Philippine Countryside Bank sa Cebu, Dynamic Bank sa Calatagan, Batangas, San Pablo City Development Bank at Nation Bank sa Bacolod city.
Samantala, pinabubusisi din ni Santiago ang pagsasailalim sa receivership ng Philippine Deposits Insurance Corporation (PDIC) sa Rural Bank of Bais sa Negros Oriental, Pilipino Rural Bank sa Cebu at Rural Bank of San Jose naka-base sa San Jose, Batangas.
Kailangan aniyang matukoy ng Upper House kung ano ang naging paglabag sa banking laws at kung kapos ang proteksyong ibinibigay ng gobyerno sa buong banking industry. (Malou Escudero)