Inaasahan nang darating sa bansa sa Enero 2009 si dating Supt. Glen Dumlao na isa sa pangunahing suspek sa Dacer-Corbito double murder case.
Ayon kay Justice State Prosecutor Philip Kimpo na siyang may hawak ng natu rang kaso, napaaga ang inaasahang pagpapadeport ng Amerika kay Dumlao dahil na rin sa hindi nito pagkuwestiyon sa extradition request na isinulong ng Pilipinas laban sa kanya na syang nagbigay daan para arestuhin at ipiit ito sa New York.
Ani Kimpo, sa Marso 2009 ang unang ibinigay na petsa ng New York District Court na maipapadeport si Dumlao ngunit sa susunod na buwan ay kanila nang paghahandaan ang pagpapadeport dito.
Sa ngayon ay nagpupulong na umano ang State Prosecutors para mapaghandaan ang kontrobersiyal na kaso dahil na rin sa pagdating ng isa sa pangunahing suspek sa kaso, ani Kimpo, Pagkaraan ni Dumlao ay kanila ring paghahandaan ang pagpapadeport sa isa pang suspek sa kaso na si Supt. Cesar Mancao na nakapiit naman sa Florida.
Inamin ni Kimpo na kinokonsidera nila na maging state witness si Dumlao sa kaso sakaling aminin nito ang kanyang naging partisipasyon sa krimen at isiwalat ang nalalaman mula sa pagdukot sa mga biktima hanggang sa mapatay at matagpuan ang mga bangkay sa Cavite noong Nobyembre 2000.
Sa ilalim umano ng Rules of Court ay kailangan muna na maging isang akusado ang isang magiging state witness. (Gemma Amargo Garcia)