Runner ni Jocjoc sumuko na
Matapos magpalabas ng warrant of arrest ang Senado na nag-uutos na ikulong sa Pasay City Jail ang apat na indibidwal na hindi dumalo sa hearing ng P728M fertilizer fund scam, sumuko kahapon si Maritess Aytona, ang sinasabing runner ni dating agriculture undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante.
Sinundo ni Sen. Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, si Aytona sa Sofitel Hotel matapos magpa sabing isusuko na niya ang kanyang sarili.
Agad na idiniretso si Aytona sa Medical at Dental Office ng Senado kung saan siya sumailalim sa eksaminasyon at natuklasang tumaas ang kanyang blood pressure na umabot sa 140/100.
Mananatili sa kustodiya ng Senado si Aytona matapos mag-desisyon si Gordon na bawiin ang naunang desisyon na ipakulong ito sa Pasay City jail.
Bagaman at naka-bakasyon na ang Kongreso, itinakda ni Gordon sa Lunes ang pagdinig ng komite upang mapakinggan ang panig ni Aytona kaugnay sa P728M fertilizer fund scam na sinasabing ginamit ni Pangulong Gloria Arroyo sa kanyang campaign fund noong 2004.
Nagpakita kamakalawa ng gabi kay Gordon sa Senado ang kapatid ni Aytona na si Ramon matapos magpalabas ng warrant of arrest ang mga senador.
Ayon kay Ramon, hindi totoong inisnab ng kanyang kapatid ang pagdinig ng Senado kamakalawa.
Papunta na umano ang kanyang kapatid sa Senado nang may humarang sa kanilang sasakyan na isang nakamotorsiklong lalaki at tutukan ito ng baril. Natakasan umano nila ang nasabing lalaki at hindi na nakadalo sa hearing si Aytona.
Nagpasya si Gordon na ilagay sa protective custody ng Senado si Aytona na nauna nang binantaan ng senador na magdaraos ng Pasko at Bagong Taon sa Senado kung hindi magsasabi ng totoo. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending