Santambak na kaso inihahanda ng SBMA-BAC vs Palafox
SUBIC Freeport – Inihayag kahapon ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) administrator Armand Arreza na nakatakdang magsampa ang Bids and Awards Committee ng pormal na reklamo laban kay urban planner Felino Palafox matapos hindi makatupad ang huli sa 10-day grace period upang patunayan niya ang bintang na iregularidad sa kontrobersiyal na Grand Utopia Hotel and Casino Resort project dito.
Ayon kay Arreza, ang sampung araw na palugit kay Palafox ay napaso noong Biyernes kaya wala nang ibang nakikita ang BAC kundi ang gamitin ang legal at pormal na paraan laban sa kilalang urban planner.
Sinabi ni Arreza na nagpadala ang BAC ng pormal na sulat kay Palafox upang patunayan niya ang alegasyon ukol sa umano’y kickback at pangalanan ang nasa likod nito upang malinis ang pangalan ng SBMA.
“If he is determined to get this alleged extortionist, then he would cooperate with the SBMA but his silence meant that he is only out to destroy our name and reputation which we have worked hard to protect,” wika ni Arreza.
Inakusahan ni Palafox ang isang SBMA official ng umano’y pangingikil ng 18-porsiyentong komisyon kapalit ng pag-apruba ng kanyang bid para sa isang proyekto sa loob ng Freeport zone.
Ngunit napag-alaman na pumangalawa lang ang kompanya ni Palafox – ang Palafox and Associates – sa bidding.
Lalo pang makaka kuha ng atensiyon si Palafox dahil hiniling ni Buhay Party List Rep. Ma. Carissa Coscolluela na imbitahan ito upang magbigay linaw sa nasabing isyu at ipaliwanag ang umano’y partisipasyon nito sa isang SBMA project na nagresulta sa pagkalugi ng national government. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending