Pinirmahan na kagabi ng 13 senador ang warrant of arrest ng apat na katao dahil sa patuloy na pag-isnab sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa P728M fertilizer fund scam.
Kabilang sa mga pina-aaresto ang dalawang supplier ng fertilizer na sina Redentor Antolin at Julie Gregorio; financier na si Jaime Paule at sinasabing “runner” ni dating Agriculture undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante na si Marites Aytona.
Kung maaresto ang apat, inatasan ng Senado ang Office of the Sergeant-at-Arms na pinamumunuan ni retired Gen. Jose Balajadia na dalhin at ipakulong ang mga ito sa Pasay City Jail.
Si Antolin ay ipinapaaresto matapos ma-contempt dahil sa ginawa umano nitong pagsisinungaling sa hearing ng komite noong Disyembre 10.
“For testifying falsely or evasively in the Committee’s hearing on December 10, 2008, thereby delaying, impeding and obstructing the inquiry into the subject reporter irregularities, Mr. Redentor Antolin is hereby cited in contempt,” anang ipinalabas na dokumento ng tanggapan ni Sen. Richard Gordon, chairman ng komite.
Sina Gregorio, Aytona at Paule ay ipinapaaresto naman dahil kahit isang beses ay hindi sila dumalo sa hearing ng komite.
Sa Enero 20, 2009 muling itinakda ang hearing ng komite, pero hindi na muling pahaharapin ng mga senador si Bolante dahil hindi naman umano ito nagsasabi ng totoo sa imbestigasyon. (Malou Escudero)