Nagbabala kahapon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na parurusahan nito ang mga operator at driver ng mga pampasaherong sasakyan tulad ng bus, jeep at taxi kapag hindi sila nagbawas ng singil sa pasahe.
Sinabi ni LTFRB Chairman Thompson Lantion na nagsimula nang busisiin ng ahensiya kung may mga reklamo ang mga commuters laban sa mga driver na lalabag sa kautusan ng ahensya sa fare rollback.
Epektibo kahapon, P7.50 ang minimum na pasahe sa pampasaherong jeep; P9.50 ang minimum na pasahe sa ordinary Metro Manila bus, P11.00 sa airconditioned Metro Manila buses at tinanggal na rin ang P10 ADD On sa pasahe sa taxi. Limang sentimos naman bawat kilometro ang bawas sa pasahe sa mga bus na bumibiyahe sa mga lalawigan.
“Ipapatawag natin ang operator, baka nakalimutan lang.. may karapatang sabihan ang driver pero kung ayaw magbigay ng rollback, kunin ang pangalan at plate number at isumbong sa amin,” ayon naman kay LTFRB NCR Director Emmanuel Mahipus.
Ang LTFRB hotlines na maaaring pagsumbungan ay 0921-4487777 o sa LTFRB website na www.ltfrb.gov. ph.
Nilinaw din ni Mahipus na wala nang fare matrix para sa rollback dahil ito ay provisional rollback o hindi na kailangang mag isyu ng fare matrix.
Anya, aabot sa P3,000 ang penalty para first offense, P4,000 sa second offense at P5,000 para sa third offense.
Kapag umabot sa ika-apat na offense merits, may multang P5,000 at suspension ng franchise sa mga driver at operator na hindi magbababa ng singil sa pasahe. (Angie dela Cruz)