Malabo na mahawa ng ‘Ebola reston virus’ ang mga baboy na buhat sa Visayas at Mindanao kaya walang dapat ipangamba ang publiko sa mga hayup na manggagaling sa natu rang mga rehiyon.
Sinabi ni Department of Agriculture Secretary Arthur Yap na 1998 pa umano ipinatigil ang pagbibiyahe ng mga baboy mula sa Luzon patungo sa Visayas at Mindanao kaya hindi magkakaroon ng hawahan ang mga ito.
Naniniwala naman ang DA at Department of Health na matagal bago magkahawahan ng naturang virus ang mga baboy kahit na matagal nang na-expose ang mga ito sa mga apektadong hayop.
Ito’y matapos na lumabas ang resulta sa pagsusuri ng ‘blood sample’ na ipinadala sa Estados Unidos ng mga baboy na kasama ng mga hayop na unang natagpuang positibo sa ebola reston virus. Nabatid sa pagsusuri na walang sakit ang mga ito. (Danilo Garcia)