Mga babuyan sa Luzon babantayan sa Ebola
Magpapatupad ang Department of Agriculture (DA) ng massive inspection sa lahat ng mga babuyan sa buong Luzon dahil sa paglitaw ng sakit na ebola reston virus sa mga babuyan sa Nueva Ecija, Pangasinan at Bulacan.
Ayon kay Agriculture Secretary Arthur Yap, hinihintay na lamang ng ahensiya ang suportang teknikal na magmumula sa international health organization para sa naturang programa.
Sinabi ni Yap, ang mahirap sa ebola reston, wala umano itong sintomas na taglay ng baboy at dapat ibayong pag-iingat ang pagsusuri sa reproductive at respiratory system ng naturang hayop.
Muling nanindigan si Yap na walang dapat ikabahala sa pagkain ng karneng baboy na may ebola reston virus dahil wala itong epekto sa kalusugan ng tao.
Aniya, maging ang World Health Organization ang nagsabing ligtas kumain ng karne na may ebola reston dahil wala umano itong naidudulot na sakit o impeksyon sa mga tao.
Pumutok ang ebola reston virus nitong nakalipas na linggo matapos lumabas ang resulta ng pagsusuri na ginawa ng Research Institute for Tropical Medicine sa mga babuyan sa Central Luzon. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending