Uniporme, combat boots di na isyu sa AFP troops

Hindi na isyu ang mga uniporme at combat boots sa tropa ng militar na su­ masabak sa pakikipagbak­bakan sa mga rebelde sa bansa.

Ito ang binigyang diin kahapon ni Defense Secretary Gilberto Teodoro sa gitna na rin ng apela ng ilang miyembro ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 8 na mabilhan sila ng bagong boots para mapabilis ang paghabol sa mga kalaban ng estado.

Ang MBLT 8 na pina­mu­munuan ni Lt. Col. Elmer Estilles ay nakabase sa lalawigan ng Basilan na pangunahing sumasagupa sa mga bandidong Abu Sayyaf at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ayon kay Teodoro, ma­tagal ng naresolba ang problema sa kagamitan ng mga sundalo at alam ng mga ito ang proseso ng procurement.

Ipinaliwanag ni Teodoro na hindi kasalanan ng gobyerno kung may mga insidente na luma ang boots ng mga sundalo dahil batay umano sa kuwento ni AFP Chief Alexander Yano, kapag may bagong sapa­tos ang isang sundalo, karaniwan nitong ipinami­mi­gay sa anak na kumu­kuha ng Civil Military Training.

Bukod dito, mas nais din ng ibang sundalo ang lumang boots dahil hindi pa na-break-in ang mga bago kaya matigas sa putikan.

Nauna nang nagpaha­yag ng sentimyento ang MBLT8 kasama ang kani­lang Commander kasunod ng pagkamatay sa eng­kuwentro ng limang batang miyembro ng Philippine Marines noong Disyembre 7 sa Al-Barkah, Basilan.

Sa nasabing engku­wen­tro ay 25 sundalo ang nasugatan kabilang ang 24 tauhan ng Marines habang nasa 50 ang napaslang sa nagsanib puwersang Say­yaf at MILF.

Idinagdag pa ni Teodoro na noong bumisita siya sa tropa ng militar sa Basilan at maging sa iba pang bahagi ng bansa ay wala namang ipinararating na karaingan ang sundalo hinggil sa isyu ng lumang boots at uniporme.

Magugunita na noong magkudeta ang Magdalo Group at sakupin ang Oakwood Premiere Hotel sa Makati City noong Hulyo 27, 2003 ay kabilang ang isyu ng combat boots at uni­porme sa naging karaingan ng mga ito. (Joy Cantos)

Show comments