Pondo ng mga senador unahin na i-audit
Hiniling ng isang pambansang alyansa na may 61 pro-poor at civic organizations sa Senado na bago magsagawa ng imbestigasyon tungkol sa isang fund scam ay dapat muna nilang suriin kung legal ang paggamit o paggastos nila ng kanilang pondo.
Ayon sa Balikatan People’s Alliance, napaka-unfair hindi lang sa ka nilang taong iniimbestigahan kundi sa pangkalahatan kung ang Senado ay tila immune na i-audit ang kanilang mga pondo gayung sa anumang oras kapag nagustuhan nila na magsagawa ng imbestigasyon ay agad nila itong gagawin.
Sinabi ni Balikatan Chairman Louie Balbago na walang katiyakan ang taumbayan kung ang kanilang binabayarang buwis ay ginagamit ng wasto ng mga senador na hindi naman nagbibigay ng sertipiko sa taumbayan kung saan ginamit ang kanilang pondo.
“Paano natin malalaman na walang anomalya ang paggamit ng pondo ng mga Senador kung wala silang maipapakitang pruweba na sa ganitong proyekto ginamit ang buwis ng mamamayan” wika ni Balbago.
Dapat umanong magkaroon ng pakialam ang taumbayan kung paano inuubos ang buwis ng mga Senador na nagmimistulang hari at reyna ng Pilipinas.
Idinagdag pa ni Balibago na kung ang mga Senador ay para sa taumbayan, dapat na nilang pasimulan ang paggawa ng rules at regulations sa transparency ng paggastos nila ng pondo. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending