Chacha kinondena
Kinondena ng libu-libong dumagsa sa interfaith rally kahapon sa Makati City ang isinusulong na Charter change (Chacha) ng mga kaalyado ni Pangulong Arroyo.
Pinangunahan ng oposisyon, simbahan at iba’t ibang caused oriented groups ang rally na inumpisahan alas-4 pa lang ng hapon bunga na rin ng hindi mapigilang pagdagsa ng mga tao sa Ayala Avenue.
Ayon kay Sen. Jinggoy Estrada, dapat na kumilos ang sambayanan upang pigilan ang pagbabago ng Saligang Batas at pananatili pa ni Pangulong Arroyo sa pwesto.
Bukod kay Estrada, dumating din sina Senators Manny Villar, Panfilo Lacson, Alan Peter Cayetano, Mar Roxas, Rodolfo Biazon, Loren Legarda at Francis Escudero na karamihan sa kanila ay nakasuot na bullet proof vest bunsod ng kumalat na text na may assassination plot sa mga dadalo sa rali.
Hindi naman nakadalo si dating Pangulong Joseph Estrada at kinailangang kumalas sa rali matapos impormahan ng doktor ng inang si Doña Mary, 103 anyos, na lumulubha ang kondisyon ng huli.
Gayunman, nagpasya si Erap na huwag ng bumalik sa rally at bantayan na ang ina hanggang sa bumuti ang kalagayan nito. Mahigit isang taon nang naka-confine sa San Juan Medical Center si Doña Mary.
Nakiisa rin sa pagtitipon sina JIL leader Bro. Eddie Villanueva, Franklin Drilon, Makati Mayor Jejomar Binay, former vice-president Teofista Guingona at iba pang mga kritiko ni Pangulong Arroyo.
Daan-daan namang mga estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad ang maagang nag-walk out sa kanilang mga klase para magpakita ng suporta sa nasabing anti-Chacha rally.
Umaabot sa 4,700 miyembro ng kapulisan ang ipinakalat upang pangalagaan ang seguridad ng mga lumahok sa nasabing rally, habang apat na 6x6 military truck na puno ng mga naka-unipormeng miyembro ng Philippine Army ang ipinadala rin ng AFP.
Bago pa man sumabak ang Civil Disturbance Management Unit ng pulisya ay isinalang muna ang mga ito sa lecture ng Commission on Human Rights (CHR) kung saan nangako ang pamunuan ng pulisya na paiiralin nila ang kahalagahan ng pag-respeto sa karapatan ng mga raliyista sa pamamahayag pati na maximum tolerance.
Ilang grupo naman mula sa North Luzon na mga kasamahan ni Bishop Soc Villegas ang napabalitang naharang sa checkpoint ng NLEX, habang ang mga raliyista mula Cavite ay iniulat na hinarang din.
- Latest
- Trending