Panukala ni Miriam pinuri ng Napolcom officials
Masayang tinanggap ng mga matataas na opisyal ng National Police Commission (Napolcom) ang panukalang batas na magbibigay sa ahensiya ng mas malaking control sa Philippine National Police (PNP) at mag-aarmas sa kanila ng mas matalas na ngipin upang disiplinahin ang mga tiwaling pulis.
Sinabi ni Napolcom vice-chairman at executive officer Eduardo Escueta na kung maisasabatas ang panukala ni Sen. Miriam Defensor Santiago, malaki ang maitutulong nito sa kampanya ng Komisyon upang madisiplina at gawing mas epektibo ang PNP.
Isang abogado, si Escueta ay nagmula sa Quezon province.
“Sen. Santiago’s bill is a great help in the performance of our mandate to improve police discipline and integrity,” wika ni Escueta, na itinalaga sa Napolcom noon lang Agosto.
Bago naupo sa Napolcom, si Escueta ay dating administrator ng Philippine Coconut Authority mula 1998 hanggang 2001.
Inihain ni Santiago ang Senate Bill No. 2269 upang mabigyan ang Napolcom ng kumpletong control sa public safety operations ng PNP.
Sa tulong ng nasabing panukala, bibigyan din ang Napolcom ng direktang boses ukol sa isyu ng PNP budget, standards of appointment, performance at aktibidad ng police personnel.
Sa kanyang panukala, sinabi ni Santiago na dapat mabigyan ng mas matalim na ngipin ang ahensiya para sa Kontrol ng PNP.
Sa ngayon, sinabi ni Escueta na hawak lang ng Napolcom ay administrative at supervisory functions sa PNP.
Nang ipasa ang Republic Act No. 8551 noong 1998, naisama sa trabaho ng Napolcom ang pagpapatakbo ng police entrance examination, pagsasagawa ng pre-charge investigation ng mga anomalya at pagpapatalsik sa puwesto ng tiwaling pulis.
- Latest
- Trending