Tiniyak ng mga oil companies sa bansa na wala na umanong maaasahan pang “big-time rollback” sa produktong petrolyo kahit pa man pasapit na ang Kapaskuhan.
Ang nasabing katiyakan ay inilahad mismo ng mga pamunuan ng Pilipinas Shell, Petron at Chevron kay Department of Energy (DOE) Secretary Angelo Reyes sa pagpupulong ng mga ito.
Ayon sa nasabing mga oil companies, ang P1 sa gasolina at P3 sa diesel na kanilang itinapyas noong December 2 ang huling rollback na kanilang maibibigay kaya malabo na umanong mangyari pa ang inaasam na panibagong “big-time” rollback.
Giit ng “Big 3” sagad na umano ang kanilang ikinasang pag-tapyas sa kanilang mga produktong petrolyo noong mga nakaraang araw.
Dahil dito, nagbanta naman kahapon ang iba’t ibang sektor ng transportasyon na magsasagawa sila ng isang organisado at malawakang pambansang transport strike ngayong Biyernes laban sa mga oil companies at sa pamahalaan dahil sa umano’y patuloy na pagpapabaya nito sa tuluyang pagbasura sa Oil Deregulation Law at sa 12 % na buwis sa langis.
Ayon kay Pasang Masda national president Obet Martin, dapat ay P10 pa kada-litro pa ang nararapat na-irollback ng mga kompanya ng langis partikular sa diesel dahil malaki na ang ibinaba ng oil price sa world market.