Mistulang nakakuha kahapon ng kakampi sa Senado si dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante matapos sabihin ni Senador Miriam Defensor-Santiago na labag sa Konstitusyon o iligal ang pagkakakulong ng una sa basement ng gusali ng Senado sa Pasay City.
Sa isang pahayag na ipinalabas ni Santiago na kasalukuyan pa ring naka-sick leave na lu malabas na may conflict sa pagitan ng constitutional privilege against self-incrimination at Senate Rules kaugnay sa contempt.
Ayon kay Santiago, ginagarantiyahan ng Konstitusyon na walang sinumang mamamayan ang maaaring pilitin na tumestigo laban sa kanyang sarili pero, sa Senate Rules, maaaring parusahan ng mga senador at i-contempt ang sinumang testigo na hindi magsasabi ng totoo o iiwas sa mga tanong sa imbestigasyon.
Mismong ang Supreme Court na umano ang nagsasabi na magkaiba ang testigo at akusado.
Ipinaliwanag pa ni Santiago na lumalabas na hindi lamang isang testigo si Bolante kundi isang suspek dahil sa diumano’y paglabag nito sa batas kabilang na ang perjury, malversation of public funds at plunder.
Dahil isang suspek umano si Bolante, maaari itong tumanggi na maupo sa witness stand bilang isang testigo.
Ayon pa kay Santiago, ang karapatan ng isang akusado laban sa self-incrimination ay ina-apply din sa mga administrative investigations katulad ng legislative inquiries.
Samantala, hindi natuloy ang hearing kahapon ng Senate Blue Ribbon Committee ni Sen. Richard Gordon kaugnay sa P728M fertilizer fund scam at sa halip ay ipinagpaliban ito para sa Miyerkules.
Mas pinagtutuunan ngayon ng mga senador ang pagpasa sa 2009 national budget.