Mga residente tutol sa pagwatak ng barangay
Malakas ang pag-tutol ng mga Residente ng Barangay San Lorenzo Makati matapos malaman na gumawa umano ng resolution ang mga Kagawad nito na sumasang-ayon sa pagwatak ng kanilang Barangay.
Ayon sa mga residente, wala umanong konsultasyon na naganap upang ipatupad ang resolution na pinirmahan daw ng mga Kagawad.
Ang layunin ng Ordinansa bilang 2008-001 na ipinasa ng Konseho ng Makati, ay ilipat ang ibang porsyon ng Barangay San Lorenzo sa mga katabing Barangay Bangkal at Barangay Pio del Pilar. Ang mga lugar na maaapektuhan ay ang Botanical Garden sa harap ng Makati Medical Center, Ecology Village at Don Bosco sa Pasong Tamo, Cinema Square at lahat ng mga negosyo at gusali sa pagitan ng Pasong Tamo at Amorsolo.
Ayon kay Wendy Taburno, isa sa mga residente ng Botanical Garden na maapektuhan ng nasabing Ordinansa, hindi sila tinanong ng mga Kagawad ng Barangay na gumawa at pumirma sa Resolution bilang 89 kung ano ang magiging epekto nito sa kanilang ari-arian at mga negosyo. Pati ang mga nakatira sa Barangay San Lorenzo ay nagulat sa pang-pulitikal na galaw ng mga Kagawad, ani Mauricio Martelino, presidente ng Ecology Village.
Kabilang sa mga kagawad na nagpasa umano ng Resolution 89 sina Ernesto Moya, Brigido Sibug, Norman Golez, Guia Flaminiano at Jocelyn Hernandez. Hindi naman naka-pirma ang Punong Barangay.
Sa panayam kay Joshua Santiago, sinabi ng Punong Barangay na hindi niya talaga gustong pumirma dahil hindi pa nai-tanong sa mga residente kung ano ang kanilang desisyon at opinion sa nasabing Ordinansa. Wala anyang maidudulot na mabuti para sa mga residente ang Ordinansa kaya hindi umano siya pumirma sa resolution.
Pinag-aaralan ngayon ng mga residente at mga apektadong negosyante kung ano ang mga kasong pwede nilang isampa.
- Latest
- Trending