Malaki ang posibilidad ngayon na makaboto sa darating na 2010 Presidential at Local Elections ang 95% ng 62,000 bilanggo na hawak ng Bureau of Jail Management and Penology at mga provincial jails sa buong bansa.
Sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Public Safety, Atty. Marius Corpus na gumagawa na ng ‘draft’ ng mekanismo ang Commission on Elections, Commission on Human Rights, mga kinatawan ng Caritas Manila at BJMPsa pagpapatupad ng pagboto ng mga preso.
Nasa 95% umano ng mga bilanggo sa bansa ay kasalukuyang dinidinig pa ang mga kaso sa korte at hindi pa napapatunayang nagkasala kaya nasa kanila pa rin ang “rights to suffrage” o karapatan na makaboto.
Sinang-ayunan naman ito nina CHR commissioner Leila de Lima at Comelec Commissioner Rene Sarmiento na dumalo sa pulong ng naturang mga ahensya kahapon sa DILG.
Inatasan na ni Corpus si BJMP chief, Director Rosendo Dial na magsagawa ng ‘survey’ kung gaano karaming mga bilanggo ang kuwalipikado para makapagparehistro at makaboto.
Sa inisyal na napagkasunduang proposal, ang DILG ang magsisilbing “recommending authority” sa mga kuwalipikadong mga preso habang personal na magtutungo naman ang mga election officers buhat sa Comelec sa espesyal na ‘polling precints’ na itatayo sa tabi ng mga bilangguan.
Tiniyak naman ng BJMP at Philippine National Police (PNP) ang mahigpit na pagbabantay sa mga bilanggo na boboto sa araw ng eleksyon. (Danilo Garcia)