Naiinip na ang Philippine National Police (PNP) sa paghihintay para maibalik ang 105,000 Euros (P6.93M) na nasabat kay dating PNP Comptrollership ret. Director Eliseo de la Paz sa Russia.
Halos dalawang buwan matapos ang ‘Euro scandal‘ na kinasangkutan ni de la Paz ay hindi pa rin naibabalik sa savings account ng PNP ang naturang halaga.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Nicanor Bartolome, hanggang ngayon ay wala pa ring natanggap na incident report o ang resulta ng imbestigasyon ng Russian authorities ang PNP kaugnay ng pagkakaharang kay dela Paz.
Paulit-ulit na anya ang kanilang request sa mga awtoridad sa Russia para sa kopya ng incident report subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito natutugunan.
“Siguro dahil mayroon silang peculiarities doon. Hindi pare-pareho ang bawat bansa sa kanilang procedures at policies,” ayon kay Bartolome.
Si dela Paz at misis nitong si Maria Fe ay naharang sa Moscow airport noong Oktubre 11 matapos madiskubre sa bagahe nito ang limpak na salapi.
Ang nasabing halaga ay baon umano ng 8-man team PNP delegates para sa International Police Conference sa St. Petersburg, Russia noong Oktubre 6-10. (Joy Cantos)