Protesta ng Piston tigil muna dahil Pasko
Wala munang gagawing mga kilos protesta ang militanteng transport group na Pinag-isang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) laban sa mga kumpanya ng langis upang bigyan daan ang ispiritu ng kapaskuhan.
Ayon kay George San Mateo, secretary general ng Piston, pansamantalang tigil muna ang kanilang grupo sa anumang planong protesta laban sa mga oil companies hinggil sa pagbababa sa presyo ng produktong petrolyo at dahil holiday season naman, mananatili na lamang silang susubaybay sa presyo ng petrolyo.
“Pahinga muna pero patuloy kaming magiging vigilant at babantayan namin ang presyo ng langis sa world market at pano ito pinapatupad o nire-reflect ng oil companies sa ating pump price”pahayag ni San Mateo.
Gayunman, sinabi ni San Mateo kung may magaganap na malakihang pagbaba sa presyo ng oil products sa world market at walang nagbaba ng presyo nito sa bansa, posibleng gagawa sila ng hakbangin para tuligsahin ito.
Sa kasalukuyan ,ang presyo ng produktong petrolyo sa world market ay mababa sa $44 kada bariles at ang average gasoline prices ay umaabot na lamang sa $1.80 kada gallon. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending