Kudeta sa House umugong

Umalingawngaw kahapon sa bawat su­lok ng House of Representatives ang bali­tang magkakaroon na rin dito ng kudeta ka­tulad ng nangyari sa Senado noong naka­raang buwan.

Pero sinabi ni House Speaker Pros­pero No­grales Jr. na handa siyang bumaba sa pwesto bilang lider ng Mababang Kapu­lungan kung ito ang magiging desisyon ng mayorya ng 238 kon­gresista.

“Hindi na kaila­ngang pagplanuhan yan. Simpleng bila­ngan lang yan. Naka­salalay sa kagustuhan ng nakakarami ang aking pamumuno at handa akong umalis kung gusto nila,” sabi ni Nograles.

Ginawa ni Nograles ang pahayag bilang reaksyon sa ibinunyag ni Sorsogon Rep. Jose Solis na posibleng ma­patalsik ang una.

Ayon kay Solis, ma­rami umano ang dis­ma­yado sa liderato ni Nograles dahil sa kabi­guan nito na ipatupad ang mga reporma, ka­bilang ang pagbusisi sa book of accounts ng Kamara.

Naniniwala naman si Cavite Rep. Elpidio Barzaga na black propaganda lamang ang planong pagpapatalsik kay Nograles na kasa­lukuyang nasa Ame­rika.

Idinagdag naman ni Solis na kakausapin nila si Nograles kaug­nay sa ulat na mas pinapaboran na nito ang Constitutional Convention na paraan sa pag-amyenda ng Saligang Batas sa ha­lip na Constituent Assembly na isinusulong ng mga kaalyado ng Malacañang.

Nilinaw naman ni Nograles na Con-Ass pa rin para sa kanya ang unang opsyon sa pagsusulong ng Cha-cha at ikalawa lamang ang ConCon.

Kasalukuyang nasa Las Vegas si Nograles para panoorin ang dream fight nina peo­ple’s champion Manny “Pacman” Pacquiao at Oscar dela Hoya sa MGM Grand sa Ling­go.

Show comments