Kudeta sa House umugong
Umalingawngaw kahapon sa bawat sulok ng House of Representatives ang balitang magkakaroon na rin dito ng kudeta katulad ng nangyari sa Senado noong nakaraang buwan.
Pero sinabi ni House Speaker Prospero Nograles Jr. na handa siyang bumaba sa pwesto bilang lider ng Mababang Kapulungan kung ito ang magiging desisyon ng mayorya ng 238 kongresista.
“Hindi na kailangang pagplanuhan yan. Simpleng bilangan lang yan. Nakasalalay sa kagustuhan ng nakakarami ang aking pamumuno at handa akong umalis kung gusto nila,” sabi ni Nograles.
Ginawa ni Nograles ang pahayag bilang reaksyon sa ibinunyag ni Sorsogon Rep. Jose Solis na posibleng mapatalsik ang una.
Ayon kay Solis, marami umano ang dismayado sa liderato ni Nograles dahil sa kabiguan nito na ipatupad ang mga reporma, kabilang ang pagbusisi sa book of accounts ng Kamara.
Naniniwala naman si Cavite Rep. Elpidio Barzaga na black propaganda lamang ang planong pagpapatalsik kay Nograles na kasalukuyang nasa Amerika.
Idinagdag naman ni Solis na kakausapin nila si Nograles kaugnay sa ulat na mas pinapaboran na nito ang Constitutional Convention na paraan sa pag-amyenda ng Saligang Batas sa halip na Constituent Assembly na isinusulong ng mga kaalyado ng Malacañang.
Nilinaw naman ni Nograles na Con-Ass pa rin para sa kanya ang unang opsyon sa pagsusulong ng Cha-cha at ikalawa lamang ang ConCon.
Kasalukuyang nasa Las Vegas si Nograles para panoorin ang dream fight nina people’s champion Manny “Pacman” Pacquiao at Oscar dela Hoya sa MGM Grand sa Linggo.
- Latest
- Trending