Sa Dacer-Corbito slay: Erap makakaladkad
Bagamat nauna nang pinabulaanan ni dating Presidente Estrada na may kinalaman siya sa Dacer/Corbito kidnap slay, posibleng makaladkad ang kanyang pangalan sa sandaling busisiin muli ang kaso ng pagkidnap at pagpatay sa beteranong public relations man na si Salvador “Bubby” Dacer na naganap noong Nobyembre 24, 2000.
Ito ay matapos masilip sa pahayag sa nilagdaang affidavit ni Police Supt. Glenn Dumlao, pangunahing suspek sa pagpatay, na nagdadawit sa Malacañang bilang mastermind sa krimen na ikinamatay din ng driver ni Dacer na si Emmanuel Corbito.
Nang mga panahong yaon, si Sen. Panfilo Lacson ang pinuno ng Presidential Anti Organized Crime Task Force (PAOCTF) sa ilalim ng administrasyong Es trada. Ngunit batay sa sinumpaang salaysay ni Dumlao, ang operasyon para dukutin at patayin si Dacer ay atas ng isang top Malacañang official.
Inilahad ni Dumlao sa kanyang affidavit ang pag-uusap nina Senior Supt. Cesar Mancao (hepe ng PAOCTF-Task Group Luzon) at Senior Supt. Michael Ray Aquino (hepe ng Operations Division ng PAOCTF).
Ganito umano ang naging bahagi ng pag-uusap ng dalawang PAOCTF officials:
Mancao; “ Noy, ano ba itong special operations na ito?”
Aquino: “Kay kuwan yan, Sir...Dacer. Okay na yan sa Malacanang, pinag-usapan na yan.”
Mancao: “ Clear ba ito sa boss natin, kay 71 (call sign ni PAOCTF chief Lacson)?”
Aquino: “Sila na daw bahala sa kanya.”
Nagtanong umano si Mancao sa kanya kung anong special operations ang pinagagawa ni Aquino sa mga tauhan ni Mancao sa Task Group Luzon dahil hindi siya naimpormahan kung ano ang naturang operasyon.
Nagrereklamo din noon si Mancao kung bakit sa kanyang Task Group Luzon kukunin ang pondo sa naturang special operations gayung Operations Division naman ni Aquino ang may patrabaho ng naturang project.
Minarapat noon ni Dumlao na dalhin na lang si Mancao kay Aquino para sila na ang direktang mag-usap hinggil sa naturang special operations.
Bago mahuli si Dumlao ng PNP-IG ay nakalabas na ng Pilipinas sina Mancao at Aquino at nakapanirahan sa Estados Unidos kung saan naging registered nurse si Aquino sa New Jersey samantalang nag-buy and sell ng mga bahay si Mancao sa Florida.
Nakaalis din ng bansa si Dumlao noong 2003 at nagpunta rin ng Estados Unidos kaya hindi na siya nagkaroon ng pagkakataon na ma-cross examine sa korte partikular sa mataas na Malacanang official na hinihinalang utak ng Dacer abduction.
Pero kahit pa naiharap sa Manila Regional Trial Court si Dumlao ay hindi niya kayang ituro kung sino ang mataas na Malacañang official dahil si Aquino ang lumilitaw na binigyan ng order ng naturang opisyal.
Batay na rin sa affidavit ni Dumlao ay Enero 1999 pa lang ay inutusan na si Aquino na isailalim sa surveillance si Dacer partikular ang opisina nito sa Manila Hotel na pinilit pasukin noon ni Dumlao para mangalap ng mga dokumento.
Matatandaang nagpunta pa sa Palasyo ng Malacañang si Dacer (kasama si Caloocan Rep. Luis “Baby” Asistio) noong Nobyembre 2000 para makipag-usap at makipagkasundo kay Es trada na noo’y may tampo sa naturang PR specialist dahil sa pagiging malapit nito kay dating Pangulong Fidel Ramos at kay retired Gen. Jose Almonte.
Naganap ang pagdukot kay Dacer noong Nob. 24, 2000 o ilang araw pagkatapos ng kanyang pagbisita kay Estrada sa Malacañang.
- Latest
- Trending