7 kawani ng gravel and sand kinidnap
Pitong kawani ng gravel and sand, ang iniulat na kinidnap ng mga armadong kalalakihang grupo sa bayan ng Tuburan, Basilan noong Lunes ng hapon.
Sa ulat ni P/Chief Supt. Bensali Jabarani, regional police director, kinilala ang mga biktimang sina Mau Ponce, Alfred layam, Wagi Toledo, Tomas de Leon, Albert Manulis, Adraky Kaseris at isang tinukoy lamang sa pangalang Robert.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, naitala ang insidente dakong alas-5 ng hapon sa bisinidad ng Sitio Bato Babad, Brgy. Lahi-Lahi habang ang mga biktima ay lulan ng service vehicle.
Ang insidente ay naganap sa gitna na rin ng search and rescue operations ng Philippine Marines sa dinukot na batang si April Nicole Tejada Raveche, 9, ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang grupo ng Abu Sayyaf sa bayan ng Lamitan, Basilan noong Nobyembre 26.
Maliban kay Nicole, ay hawak pa rin ng mga bandido ang nursing student na si Joel Pilangga na binihag naman sa Zamboanga City at itinago sa Basilan may ilang buwan na ang nakalipas.
“It’s an isolated case, the Tuburan Mayor is on top of the situation,” anang opisyal kung saan nakikipag-ugnayan sa mga kidnaper kapalit ng ligtas na pagpapalaya sa mga bihag.
Dalawang anggulo ang sinisilip ng mga awtoridad, una ay ang posibilidad na mga bandidong Abu Sayyaf Group at ikalawa ay clan war ang motibo sa pagbihag sa pitong biktima.
- Latest
- Trending