'Runner' ni Jocjoc ipinaaaresto
Ilalabas anumang oras ang warrant of arrest laban sa sinasabing bagman ni dating Undersecretary Jocelyn ‘Jocjoc’ Bolante matapos niyang isnabin ang ginawang pagdinig sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kahapon.
Sinabi ni Palawan Rep. Abraham Mitra, Chairman ng House Committee on Agriculture, na ipahuhuli nila si Maritess Aytona, dahil sa pagta tago nito sa komite para iwasan ang mga katanungan na ipupukol sa kanya ng mga mambabatas na kasapi ng komite para magbigay linaw sa mga isyu hinggil sa P728 milyong fertilizer fund.
Ayon kay Mitra, noon pang November 27 pina-subpoena ng Kongreso si Aytona pero ayon sa report ay hindi pa nabibigay ang subpoena dito dahil ng puntahan ang SSS Village, sa Marikina City na sinasabi niyang tirahan ay hindi ito nakita at hindi rin siya kilala ng mga residente dito.
Wala rin si Aytona sa Philippine Heart Center, Quezon City ng puntahan siya dito dahil hindi naman pala ito na-confine dito kundi nagpa-check up lang umano ito.
Naunang hiningi ni Cavite Congressman Crispin Remulla ang pagpapalabas ng arrest warrant laban kay Aytona makaraang lumitaw na peke ang tinanggap nilang mga address nito.
Hihilingin ng Kamara ang tulong ng Philippine National Police (PNP) kapag ipinatupad na ang arrest order dito ng Kongreso.
Samantala, sinuspinde ng komite ang pagdinig kahapon para bigyang-daan ang plenary session ng House na magbobotohan sa impeachment complaint laban kay Pangulong Arroyo.
Sinabi ni Mitra na tinapos muna nila hanggang kahapon ang pagdinig makaraang humarap sa kanila ang mga kasalukuyan at nagdaang opisyal ng mga departamento ng Agriculture at Budget.
Sinabi ng mambabatas na malamang na sa susunod na taon muli idaraos ang mga pagdinig dahil magsisimula na sa Disyembre 19 ang Christmas break ng Mababang Kapulungan.
- Latest
- Trending