Buhay pa ang Prisoner of War na si Army 1st Lt. Vicente Cammayo na pinatunayan sa ipinalabas na video footage ng New People’s Army na bumihag dito sa Monkayo, Compostela Valley.
Sa naturang video footage na ipinalabas ng Merardo Arce Command-Southern Mindanao Regional Operations Command ng NPA ay mapapanood ang video footage ni Cammayo, Commander ng 11th Company ng Army’s 3rd Special Forces Battalion na nakikiusap para sa kaniyang madaliang paglaya.
Ang nasabing video footage ay ipinarating ni Cammayo sa buntis nitong asawang si Mariel, inang si Cecilia at sa iba pang miyembro ng kaniyang pamilya na huwag mag-alala sa kaniyang kaligtasan dahil buhay pa siya na trinatrato naman umano ng maayos ng mga rebeldeng bumihag sa kaniya.
Sa naturang video clip ay makikita na balbas sarado, nakaupo sa isang duyan, nakasuot ng pulang t-shirt sa ilalim ng kaniyang camouflage uniform, napapalibutan ng damo ang lugar, may isang nakatayong bantay may pitong metro na armado ng automatic rifle kung saan ay bakas ang lungkot at takot sa mukha nito.
Si Cammayo ay kasalukuyang POW ng Alejandro Lanaja Command Front 3 Operations Command ng NPA matapos itong makorner sa engkuwentro sa Brgy. Casoon, Monkayo, noong Nobyembre 7.
Bukod kay Cammayo, POW rin ng NPA ang pulis na si Po3 Eduardo Tumol ng 1105th Provincial Mobile Group na dinukot naman ng mga rebelde noong Nobyem bre 5. (Joy Cantos)