Hinamon kahapon ng isang mataas na lider ng Simbahang Katoliko si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na gumawa ng public assurance na bababa siya sa pwesto sa oras na matapos ang kanyang termino sa taong 2010.
Ang hamon ay ginawa ni Caloocan Bishop Deo gracias Iniguez, chairman ng Episcopal Commission on Public Affairs ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines kaugnay ng mga pagdududa na walang plano ang Pangulo na lisanin ang Malacanang kahit pa magtapos na ang termino nito.
Ayon kay Iniguez, na una na ring nagsabi na bukas siya sa anumang “extra-legal means” mapababa lamang sa pwesto ang Punong Ehekutibo, dapat na gumawa ng written manifesto ang Pangulong Arroyo upang tiyakin sa publiko na bababa ito sa pwesto sa pagtatapos ng kanyang termino.
Ipinaliwanag ng Obispo na ang naturang hakbang ay makatutulong upang mabura ang anumang pagdududa na ang biglaang pagsusulong ng mga maka-administrasyong mambabatas sa Kongreso hinggil sa pag-amyenda sa Konstitusyon, ay may layuning mapalawig ang termino ng Pangulo.