25 OFW nakakulong sa Kuwait
May 25 overseas Filipino worker ang nakakulong umano ngayon sa Kuwait at nangangailangan ng tulong mula sa pamahalaan.
Ito ang ibinunyag kahapon ng grupong Migrante-Middle East, isang alyansa ng mga samahan ng mga OFW sa Gitnang Silangan.
Ayon kay John Leonard Monterona, regional director ng Migrante-Middle East, mayroon silang mga kinatawan na nakakabisita sa bilangguan at karamihan sa mga OFW na nakakulong ay mga Pilipinang mga biktima ng pang-aabuso at pangma-maltrato ng kanilang mga employers.
Sinasabing tumakas ang mga nasabing OFWs sa kanilang mga employers kaya sila ipinakulong ng mga ito.
Inirereklamo rin nila na walang sinuman mula sa Philippine Embassy o sa Philippine-Overseas Labor Office and Overseas Workers Welfare Administration ang bumibisita sa kanila sa bilangguan upang alamin ang kanilang kalagayan.
Ayon kay Monterona, ito ay taliwas sa pahayag ni Ambassador Ricardo Endaya na natutulungan ang mga nakakulong na OFW. (Mer Layson)
- Latest
- Trending